Umabot na sa 34 ang bilang ng mga nasaktang pasahero ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 nang magkabanggaan ang dalawa nitong tren sa pagitan ng Cubao at Anonas Station bago mag-alas diyes nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa saksing si Rogelio Perello, dahil sa lakas ng impact, aakalain na may narinig na pagsabog.

May tumilapon pa raw na bahagi ng bintana o pintuan ng bagon sa kalsada, pero wala namang natamaan.

Pero kita niya raw mula sa ibaba ng kalsada na may mga kumakatok na pasahero sa bintana ng isang bagon at tila humihingi ng tulong.

Kuwento naman ng pasaherong si Ahya Lopez at Cherry Anne Ignacio, nang huminto ang sinasakyan nilang tren, sinabihan daw sila na kumapit.

Nang mangyari ang banggaan na noong una ay inakala rin nilang pagsabog, tumalsik sa loob ng bagon ang halos lahat ng pasahero.

Kasama si Ignacio sa mga nasaktan.

Nagtamo siya ng pinsala sa braso at likod.

Ilang minuto rin umanong namatay ang ilaw sa loob ng bagon.

Kalahating oras daw silang naghintay bago may dumating na isa pang bagon mula sa kabilang direksyon at inihatid sila sa Anonas Station.

'Dead train'

Sa isang pulong balitaan, humarap sina Light Rail Transit Authority Administrator Reynaldo Berroya at LRTA spokesman Hernando Cabrera.

Paliwanag nila, nakahinto sa pocket track sa pagitan ng Anonas at Katipunan Station ang nasirang tren ng LRT.

Ang pocket track ay katumbas ng emergency bay na pinagdadalhan ng nasisirang bagon.

Pero sa hindi raw malamang dahilan, gumalaw ang nasirang tren na kung tawagin ay “dead train” mula sa pocket track at napunta sa main track kung saan naman naroon ang bumibiyaheng tren (good train) na galing ng Cubao Station.

Agad umanong inabisuhan ang good train o paparating na tren kaya huminto ito sa pagitan ng Cubao at Anonas Station.

Pero dahil tuluy-tuloy ang pag-usad sa riles ng dead train, sumalpok ito sa good train.

Bumuo na umano ang LRTA ng fact finding committee na mag-iimbestiga sa dahilan ng paggalaw ng nagkaaberyang tren.

Maaga pa raw para sabihin na ito ay sanhi ng mechanical o human error.

Kasama raw sa iimbestigahan ang black box ng dalawang tren.

Kasama na rin umano sa isusumiteng ulat ng fact finding committee ay ang rekomendasyon para hindi na maulit ang aksidente.

150 na sakay

Tinatayang nasa 150 ang sakay ng may biyaheng tren.

Tatlumpu't apat sa mga sakay ang sugatan na dinala sa apat na ospital: World Citi Medical Center, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Quirino Memorial Medical Center at Manila Medical Center.

Kasama sa mga nasaktan ang train operator ng nagkaaberyang tren, pati na ang isa nilang supervisor.

Pagtitiyak ng LRTA, walang kritikal sa mga nasaktang pasahero.

Sasaluhin din umano ng LRTA ang pagpapagamot ng mga nasaktang pasahero.

Si Transportation Secretary Arthur Tugade kasama si Berroya, umikot sa mga ospital na pinagdalhan sa mga nasugatan.

Samantala, dahil parehong may pinsala ang unahang bahagi ng nagkabanggaang tren, hindi muna bibiyahe ang mga ito.

Kaya mula sa sampu, walong tren na lamang ng LRT2 ang magiging operational muna.

Dahil dito, umaapela ng pang-unawa ang Department of Transportation dahil tiyak na maaapektuhan din ang mga sumasakay ng LRT2. —KG, GMA News