Nasabat mula sa tatlong babaeng suspek ang P4.7 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Taguig City nitong Linggo.

Ang nakuhang droga ay nakalagay sa 700 gramong pakete ng tsaa, ayon sa ulat ni Jamie Santos sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Sa buy-bust operation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Barangay Maharlika, naaresto ang mga suspek na nakilalang sina Rosnia Minalang Cauntongan alyas Sally Pañasabellano, Junaila Alilang Maruhom at Lina Ahmad Grande.

Sila raw ang ipinadala ng isang alyas Stoleen Dimapuro na mag-abot ng shabu sa isang poseur-buyer ng PDEA.

Ang gusto raw ni Dimapuro noong una ay ideposito sa bangko ang perang pambayad sa droga.

"She said that she would like na i-deposit natin sa bangko 'yung pera. Pero sabi niya nu'ng nagkaabutan na, hindi siya nakipagkita. Ang sumipot itong tatlo kaya silang tatlo ang nahuli," ani Levi Ortiz, director ng PDEA-Special Enforcement Service.

"We will conduct an investigation on that and we will find out kung existing 'yung number na 'yun," dagdag ni Ortiz.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang tatlong suspek.

Sabi ng PDEA, posibleng kabilang ang mga suspek sa grupo na nahuli noong nakaraan na itinago rin ang droga sa pakete ng tsaa.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Magsasagawa rin daw ang PDEA ng follow-up operation para mahuli si Dimapuro.

Samantala, isang manliligaw ni Grande ang inaresto ng mga awtoridad nitong Lunes ng madaling araw matapos umanong subukang manuhol ng mga operatiba ng PDEA kapalit ng kalayaan ni Grande. —KG, GMA News