Na-hulicam ang pagnanakaw ng isang babae sa tinabihan nitong kostumer sa isang fast-food outlet sa Cubao, Quezon City.

Sa video na ipinakita sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, makikitang isang babaeng naka-berdeng T-shirt ang naglabas ng payong mula sa dala niyang paper bag.

Ipinantakip niya ito habang dinudukutan ang bag ng babaeng nasa katabing mesa na abala sa pagkain.

Makalipas lamang ang ilang segundo, tila may ipinasok ang suspek sa bitbit na paper bag at saka ipinasok din ang payong.

Tumayo ang suspek at naghugas ng kamay, tapos ay bumalik sa mesa at saka umalis.

Natangay ng suspek ang cellphone ng kostumer na mahigit P10,000 ang halaga.

Ayon sa uploader ng video na siya ring biktima, naiulat niya na ito sa pulisya.

Base sa impormasyong nakalap niya mula sa pamunuan ng kainan, ilang beses nang nambiktima ang naturang babae sa parehong kainan. —KG, GMA News