Posible raw na kilala ng biktimang pinagsasaksak at posibleng ginahasa sa Lipa ang salarin, ayon sa mga imbestigador.

Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa "Balita Pilipinas," wala raw indikasyon na puwersahang pinasok ang tinutuluyan ng 21-anyos na si Fidex Therese Maranan.

"Mayroon kaming tinitingnan na persons of interest. Sa ngayon, under follow-up pa 'yung ating operation," sabi ng pulis.

Na-cremate na ang labi ng biktima at bumuhos sa unang gabu ng lamay ang pakikiramay ng kanyang mga kaibigan, propesor at ka-eskuwela.

Ulilang lubos na ang biktima at mag-isa lamang na nakatira sa bahay na tinutuluyan.

Tadtad ng saksak ang katawan ng biktima at basag ang bungo nito. Posible rin daw na ginahasa ang biktima.

Nakataklob ng kumot ang biktima na hinihinalang ilang araw nang patay bago natagpuan.

"Nu'ng matanggal 'yung blanket, nakita nga na nakahubad 'yung pang-ilalim na parte ng babae," sabi ng imbestigador.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng autopsy sa labi ng biktima. —NB, GMA News