Napatay ang isang lalaking hinihinalang tulak ng droga sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong Martes ng madaling araw matapos umanong manlaban sa mga pulis.

Nakilala ang suspek na si Edwin Domingo, 42, isang laborer, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News.

Ayon sa San Jose Del Monte Police, nagkasa sila ng buy-bust operation mag-aala-una ng madaling araw laban kay Domingo na nasa drug watch list umano ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Nang makahalata ang suspek na pulis ang katransaksiyon, bumunot daw ng baril si Domingo at pinaputukuan umano ang mga pulis.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at natamaan si Domingo.

Dead on the spot si Domingo sa isang madilim na bahagi ng Barangay Muzon.

Nakuha sa suspek ang isang motorsiklo, isang kalibre .38 na baril at hindi pa malamang halaga ng hinihinalang droga. —KG, GMA News