Isang menor de edad na tulak umano ng iligal na droga ang naaresto ng mga pulis nitong Lunes nang gabi sa Barangay Payatas A sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Ayon sa ate ng 17-anyos na suspek, napilitan magbenta ng iligal na droga ang kanyang kapatid para may panggastos sa kanyang kaarawan sa darating na Sabado.

"Sabi niya po kasi sa akin, 'Ate, magbi-birthday na ako.' Sabi ko naman wala tayong kapera-pera kaya di tayo makakapaghanda. Sabi niya, 'Ate, gagawa na lang ako ng paraan'," sabi ng ate ng suspek.

Nakuha mula sa suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu.

Napag-alaman naman na ang tatay ng suspek ay dati nang nahuli dahil din sa ipinagbabawal na gamot.

Tumanggi naman ang suspek na nagbebenta siya ng iligal na droga bagama't aminado siya na gumagamit siya kahit na ilang beses na siyang pinagsabihan na tumigil. —KBK, GMA News