Dalawang magkasunod na insidente ng panghoholdap ang naganap sa Quezon City na kagagawan umano ng apat na salarin na sakay ng dalawang motorsiklo. Ang isang insidente, hindi kalayuan sa barangay hall.


Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, makikita sa video nang palibutan ng mga salarin ang sasakyan ng isang babae sa Scout Gandia St. sa barangay Laging Handa sa Quezon City.

"May motor na pumunta dito, tapos bumaba ang isang lalaki, tinutukan ako ng baril. Sabi niya, 'holdap po,'" ayon sa biktima.

Una raw kinuha ng mga salarin ang kaniyang tablet computer at pagkatapos ay kinuha rin ang kaniyang bag.

Wala na raw nagawa ang biktima dahil nagpaputok pa ng baril ang mga salarin.

Pagtakas ng apat na salarin, isang basyo ng bala ang narekober sa crime scene na nasa 200 metro lang ang layo sa isang barangay hall.

"Saka nakakaalarma dito nagpapaputok. So, kahit may kakayanan ang barangay na rumesponde, hindi ko naman isusugal ang buhay ng mga tanod ko kung armado ang mga kalaban," paliwanag ng barangay chairman na si Mari Rodriguez.

Bago ang babae, nasangkot na sa panghoholdap ang mga salarin sa kaparehong barangay kung saan tatlo ang kanilang naging biktima.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ng mga pulis na nakasasakop sa barangay  dahil may ginagawa na raw silang follow-up operation para madakip ang mga holdaper.-- FRJ, GMA News