Maglalabas ng Administrative Order (AO) ang Department of Health sa susunod na buwan para higpitan ang pagbebenta at paggamit ng e-cigarette at vape. Irerekomenda rin daw nito sa Kongreso na isama e-cigarette at vape sa Tobacco Regulation Act at Sin Tax law.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag nina Moises Pajota at Chris Peralta, na ang paggamit ng vape ang naging katulong nila para unti-unting makakawala sa paninigarilyo.

Pero paliwanag ng DOH, na walang patunay na nakatutulong ang e-cigarette at vape para tumigil na sa paninigarilyo ang isang tao.

"Wala pa tayong nakikitang ebidensiya na beneficial siya to help people quit smoking o mas healthy option to smoking. In fact ang problem natin kasi may content siyang nicotine kaya tuloy-tuloy pa rin ang addiction," paliwanag ni  Usec. Eric Domingo, tagapagsalita ng DOH.

Dahil may kemikal na inilalagay sa e-cigarette at vape, may peligro rin umano ito sa kalusugan kung susundin ang prinsipyo ng medisina na ano mang hindi natural ay masama sa katawan.

"Meron diyan mga carcinogenic substances na magko-cause ng cancer later on. Meron ibang sakit na puwede nating makuha kasi nga hindi siya natural na produkto, it's a synthetic product," sabi pa ng opisyal.

Sa susunod na buwan, maglalabas na raw ang DOH ng administrative order para higpitan ang mga electronic nicotine delivery system gaya ng e-cigarette at vape.

"Through the FDA [Food and Drugs Administration] we will be regulating. Kailangan i-report ang laman nito, bawal siya ibenta sa mga minor, bawal i-advertise, bawal ang mga packaging, o mga pangalan o mga flavors na attractive sa mga bata," sabi ni Domingo.

Isusulong din umano ng DOH sa susunod na Kongreso na ipasama na sa Tobacco Regulation Act at Sin Tax law ang e-cigarette at vape.

Matagalan man daw ang pag-amyenda sa batas, irerekomenda na muna ng DOH kay Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang e-cigarette at vapes sa Executive Order 26 na naghihigpit ng paninigarilyo sa pampublikong lugar.-- FRJ, GMA News