Napatay sa saksak nitong Miyerkoles ng madaling araw ang isang mangangalakal sa ilalim ng Kamuning Flyover sa Quezon City dahil sa agawan sa higaan.

Nakilala ang biktima na si Danny Abalos, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Ayon sa asawa ng biktima na si Jakelyn Bukas, nagtalo nitong Martes ng gabi si Abalos at isa pang kapwa mangangalakal na kilala lang nila sa pangalang Jun.

Nagalit daw si Jun dahil inagawan siya ng puwesto ng mag-asawa sa ilalim ng nasabing tulay.

Sabi naman ni Bukas, umulan nitong Martes ng gabi kaya't doon sila pumuwesto.

Habang natutulog daw silang mag-asawa bandang alas kuwatro ng madaling araw nitong Miyerkoles, bigla na lang daw hinampas ni Jun ng kahoy si Bukas. 

Pagkatapos ay sinaksak umano ni Jun si Abalos sa likod at agad itong namatay.

Kaagad daw tumakas ang suspek matapos ang krimen.

"Grabe ka, Jun! 'Yung ginawa mo sa asawa ko, sinaksak mo dahil sa higaan lang," ani Bukas.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad si Jun. —KG, GMA News