Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking nag-alok umano ng tulong na magpatayo ng laundry shop sa isang customer, pero tinangay lang umano ang mahigit P1 milyong cash at tseke ng biktima.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita ang mabilisang pagkilos ng mga operatiba sa isinagawang entrapment operation sa suspek na kinilalang si J. Ryan Zamora sa Quezon City.

Dinakip si Zamora matapos magkaabutan ng pera.

Inirereklamo ang suspek ng estafa ng biniktima niya, na humiling sa GMA News na huwag nang pangalanan.

Ayon sa biktima, binigyan niya ng tseke para sa P1.2 million at perang P125,000 ang suspek para sa pagpapagawa ng shop at pambili ng mga washing machine.

Ngunit makalipas ang ilang buwan, walang naibigay na kahit isang washing machine si Zamora.

"It's been two months, almost three months hanggang ngayon wala pa 'yung machine. He was always saying tomorrow or may bagyo sa China, ganito, ganyan. So I demanded a check, ayoko na sauli mo pera ko," sabi ng biktima.

Nagbigay naman ng tseke ang suspek, ayon sa mga awtoridad.

"They found out sa bangko na walang sufficient na fund 'yung tao kaya alam na nila na niloloko sila," pahayag ni Police Lieutenant Fernando Cantillas, Deputy, Central Metro Manila District Field Unit.

Humingi pa si Zamora ng P300,000, at dito na nagpatulong ang biktima sa pulis para madakip ang suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek kaugnay sa paratang.

"Mag-ingat tayo. Yung mga kababayan natin na naghahangad ng kaunting negosyo maniguro tayo sa kausap natin... Siguraduhin natin na 'yung ino-offer nila na tulong ay talagang legitimate," payo ni Police Lieutenant Cantillas sa publiko. —Jamil Santos/LBG, GMA News