Iniutos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumuha ng pribadong barko na maghahatid sa Canada ng mga basurang ipinadala ng mga ito sa Pilipinas.

Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni presidential spokesperson Secretary Salvador Panelo, na sasagutin na lang ng Pilipinas ang gastusin sa pagpapabalik ng mga basura ng Canada.

Kung hindi umano papayagan ng Canada na makapasok sa kanila ang barko, iiwanan na lamang ang mga container na may lamang basura sa karagatang sakop nila.

Ayon kay Panelo, dismayado si Duterte sa “inordinate delay” ng Canada na kunin ang kanilang basura.

Nitong nakaraang linggo, pinauwi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang Philippine ambassador at consuls to Canada matapos hindi makamit ng naturang bansa ang deadline noong May 15 para kunin ang 69 container vans ng mga basura na dumating sa Pilipinas noong 2013 at 2014.

Sinabi ni Panelo na ang "recall" sa mga opisyal ng embahada at konsulado ay senyales na handa ang Pilipinas na putulin ang pakikipag-ugnayan sa Canada dahil sa basura.— FRJ, GMA News