Nasabat ng mga awtoridad sa isang bodega sa Malabon ang nasa 146 kilo ng shabu na galing sa Cambodia at tinatayang nagkakahalaga ng P1 bilyon.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, pinaniniwalang galing sa Golden Triangle Syndicate ang mga droga na itinago sa mga aluminum pallet.

Isinagawa umano ng pinagsanib na puwersa ng PDEA, Bureau of Customs, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Bureau of Customs ang operasyon sa isang bodega sa Malabon nitong Miyerkules.

Sinabi ni Aquino na konektado ang mga nasabat na droga sa Malaban sa isinagawang operasyon noong Pebrero sa Tanza, Cavite kung saan nakumpiska naman ang 274 kilograms ng shabu na nagkakahalaga ng P1.9 bilyon, at operasyon naman sa Dasmariñas, Cavite noong din Pebrero na P244 milyon ng shabu ang nasabat.

Ayon kay Aquino, isinailalim ng AFP sa forensic investigation ang mga nakumpiskang cellphones sa mga naarestong suspek sa Dasmariñas operation na sina Alexander Jun Wah Ting Lee at Patrick John Gankee.

Sa naturang pagsusuri nadiskubre ng AFP ang plano ng grupo na itago ang idedeliber na shabu sa tapioca starch shipment na nakapatong sa mga aluminum pallet at ang consignee ay ang Goroyam Trading.

Pero nang dumaan sa pagsusuri ng Customs ang shipment, hindi umano nakita ang mga droga na nakatago sa mga aluminum pallet.

Wala ring kumuha sa shipment at inabandona noong Marso kaya kunwaring ipinasubasta upang subukan kung kakagat ang sindikato sa bidding.

Gayunman, ibang kumpanya ang nanalo sa bidding, na batay naman sa ginawang pagsusuri ng PDEA ay walang koneksyon sa iligal droga.

Samantala, wala pang pahayag ang Goroyam trading.— FRJ, GMA News