Guilty ang naging hatol ng Manila court kay John Paul Solano,  miyembro ng Aegis Juris Fraternity, sa kasong "obstruction of justice," kaugnay sa Atio Castillo hazing case.

Sa inilabas na desisyon ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 nitong Lunes, sinintensiyahan si Solano ng dalawa hanggang apat na taong pagkakabilanggo.

Pinawalang-sala naman siya sa hiwalay na kasong perjury.

Si Solano ang nagdala sa walang malay na si Castillo sa Chinese General Hospital mula sa frat library sa Maynila noong Sept. 17, 2017.

Pero idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang 22-anyos na law student ng University of Santo Tomas.

Sa pagharap ni Solano sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Justice, sinabi niya  na ang frat member na si Arvin Balag, ang nag-utos sa kaniya na sabihin na nakita niya ang biktima sa Tondo.

Sinunod daw niya ito dahil sa takot at pressure.

"It is clear that [Solano] gave false and fabricated information to mislead the police or prevent them from apprehending those responsible for the death of Castillo," saad sa 27-pahinang desisyon ng korte.

Hindi nakumbinsi ni Solano ang korte sa kaniyang paliwanag na ginawa niya ang pagsisinungaling nang walang intensiyon na lituhin ang mga awtoridad.

Pinawalang-sala naman ng korte si Solano sa kasong perjury dahil sa paiba-ibang testimonya ng mga pulis.

Mayroon pang 10 miyembro ng Aegis Juris ang nahaharap sa kaso kaugnay sa sinapit ni Castillo.

"We have a first conviction, obstruction. At least totoo 'yung sinasabi namin, napatunayan na talagang may sala sila sa obstruction. They concealed," sabi ng ina ni Castillo.

Sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali," inihayag ni Carminia ang kasiyahan sa naging desisyon ng korte.

"Well, we're very happy na nahatulan siya ng obstruction kasi this proves na mayroon talagang intention ang Aegis Juris fraternity to cover up the crime," saad niya.

Plano umano ng mga magulang ni Castillo na maghain pa ng karagdagang kaso laban sa mga miyembro ng fraternity.

"Definitely magpa-file pa kami ng additional cases doon sa pinangalanan ng aming witness. Meron kasi doon na kasama sa planning, sa final rites pero di namin na-charge-an," sabi Carminia.--FRJ, GMA News