Patay ang umano’y lider ng Supremo criminal group matapos manlaban sa mga awtoridad na aaresto sa kanya, ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes.

Sumugod ang mga awtoidad sa tirahan ng suspek na si Salazar Santos para maghain ng warrant of arrest laban sa sinasabing lider ng criminal group.

Ayon sa hepe ng Manila Police District (MPD) - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Police Major Leandro Gutierrez, pinutukan daw ni Santos ang awtoridad kaya nagpapaputok na rin ang mga pulis.

"Pagpasok namin sa bahay ni alyas "Supremo," kasama namin ang MPD - SWAT. Bumunot agad siya ng baril. Pinutukan niya tropa natin kaya napilitang gumanti ng putok ang tropa ng CIDG," sabi ni Gutierrez.

Matagal nang nasa ilalim ng surveillance ang grupo ni Santos na notoryus daw sa kalakalan ng droga sa lugar, ayon pa rin sa ulat.

Sa operasyon, inaresto naman ang apat na kasama daw ni Santos sa sindikatong grupo kabilang ang asawa nitong si Amora Gabon dela Cruz.

Arestado rin ang asawa anak ni Dela Cruz na si Jericho, pati ang mag-asawang sina Jayson Landicho at Aileen Andrade.

Inamin ni Andrade at Landicho na sa kanila ang mga nakumpiskang shabu pero hindi raw nila kasama sa sindikato ang napatay na si Santos.

"Hindi ko po 'yun kilala," sabi ni Andrade.

Nakuha mula sa kanila ang ibat ibang uri ng baril, granada, mga bala at mahigit  60 sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Gutierrez, ang grupo raw ni ‘Supremo’ ang pinakamalaking sindikato ng illegal na droga at gunrunning sa Balut, Tondo.

"Malaki maitutulong ng pagkawala ng grupo na ito kasi 'yung lider, si Supremo, may pinakamalaking binibitawan na drugs doon. Ang market, mga estudyante dispatcher mga pahinante at driver ng truck," sabi niya.

Dinala ang mga inaresto sa MPD Headquarters para ihanda ang mga isasampang reklamo laban sa kanila. — Joviland Rita/RSJ, GMA News