Isang Koreano na huling nakitang buhay sa kaniyang tinutuluyang hotel sa Makati City ang natagpuang patay sa Hinulugang Taktak sa Antipolo City.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, kinilala ng Antipolo police ang biktima na si Joo Yeong Wook.

May dalawang tama ng bala sa ulo at naka-duct tape ang kamay at bibig ng biktima nang matagpuan.

Huling nakitang buhay umano ang biktima sa kaniyang hotel sa Makati noong gabi ng June 15.

Wala naman umanong nawala sa kaniyang mga gamit nang puntahan ng mga awtoridad ang hotel.

Patuloy ang imbestigasyon para alamin ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA News