Dahil nagsisimula na raw gumamit ng artificial intelligence (AI) sa mga business process outsourcing o BPO industry, nagbabala ang isang propesor na libu-libong manggagawa rito ang posibleng mawalan ng trabaho kung hindi sila mag-a-upgrade ng kanilang kakayanan.



Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "State of the Nation Address" nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Christopher Monterola ng Asian Institute of Management (AIM) at Aboitiz School of Innovation, Technology, and Entrepreneurship (ASITE), na posibleng maganap ang pagbabago sa BPO industry sa loob ng susunod na limang taon.

"Eighty percent ang ini-imagine na puwede in the next five  years mawala dito sa BPOnatin. Kung ang iniisipin natin ay katulad ng trabaho na ginagawa nila ngayon na nagbebenta ng produkto, sumasagot sa tawag ng mga kliyente para sabihin 'yung gagawin nila sa mga binili nilang produkto," ayon kay Monterola.

Mas magiging mababa umano ang gastos ng mga BPO company kung gagamit sila ng AI sa ilang trabaho ng ginagawa ng mga tao.

"Isa sa pinakamalalim na dahilan kung bakit sikat ang BPO industry sa Pilipinas, isa tayo sa may pinakamarami, halos kapantay natin ang India, 'yung ability ng mga Filipino... yung warmest natin, yung ability natin to empathize," paliwanag pa niya.

"Pero merong nagpapakita eto 'yung bagong technology din na ang tawag ay artificial empathy, na nagagaya na rin ng machine ang ability na maintindihan ang araramdaman ng ibang nilalang," dagdag niya.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa  100,000 low-skilled workers ang maaaring maapektuhan sa mangyayaring pagtuon ng BPO industry sa high-value jobs.

Sabi pa ng DOLE, mahigpit 600,000 trabaho ang magbubukas para sa middle-skilled at high-skilled workers.

“Pagdating naman po doon sa middle-skilled at saka high-skilled, more than 600,000 naman po ang maki-create ng IT-BPM (Information Technology-Business Process Management) sectors,” ayon kay DOLE Bureau of Local Employment Director IV Domique Rubia-Tutay.

Paglilinaw din ng opisyal, hindi naman magiging ganoon kabilis ang transition mula sa nakagisnang contact centers na tinatawag.

"Iba pa rin yung may human touch kumbaga. Iba pa rin yung may analysis ka coming from the minds of human beings," sabi ni Rubia-Tutay.

Ang mga tinatawag na high-skilled jobs ay nangangailangan ng abstract reasoning, situational responses at specialized expertise, na mangangailangan ng college degrees, nakapagtapos ng postgraduate studies at sumailalim sa specialized training.

Dahil dito, pinapayuhan ng DOLE ang mga low-skilled worker na dagdagan ang ang kanilang kaalaman at kasanayan.—FRJ, GMA News