Inihayag ng napiling Speaker ni Pangulong Rodrigo Duterte, na si Taguig Representative Alan Peter Cayetano, na isusulong niya na habaan ang termino ng mga halal na opisyal sa isasagawang Charter change.

Ginawa ni Cayetano ang pahayag sa isang pagtitipon nitong Miyerkules, na dinaluhan ng ilang kongresista, kabilang si Leyte Representative Martin Romualdez, na aspirante rin na maging lider ng mga kongresista.

Pero sa naturang pagtitipon, inihayag ni Romualdez ang suporta niya kay Cayetano, na ipinakilala niyang "the next Speaker."

Kamakailan lang, inihayag ni Duterte ang pagsuporta sa "term-sharing" nina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco sa speakership. Kasabay nito, si Romualdez naman ang magiging Majority Leader.

Sa ilalim ng kasunduan, si Cayetano ang unang uupong Speaker sa loob ng 15 buwan at papalit na sa kaniya si Velasco para sa natitirang 21 buwan.

Ayon kay Cayetano, gagawin ang pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal kasabay ng pagsusulong sa pagpapalit sa sistema ng gobyerno na pederalismo.

"While we will push for federalism, I think there is a way that the Senate will agree that we push either for four years, no term limit; or five years, three-term limit," pahayag ng kongresista.

"It is not a political thing. It is a practical thing," dagdag niya.

Sa kasalukuyan, tatlong taon ang termino ng mga kongresista at maaari silang tumakbo ng tatlong ulit na magkakasunod na halalan.

Anim na taon naman ang termino ng mga senador, at maaari silang tumakbo ng dalawang ulit.

Kung mananalo ang isang kongresista sa tatlong magkakasunod na eleksyon, siyam na taon ang buong itatagal niya sa posisyon; habang 12 taon naman sa isang senador.

Magsisimula ang sesyon ng Kongreso sa darating na Hulyo 22.

Sa nakaraang panayam sa GMA News TV's "Bawal ang Pasaway," sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, na hindi pa handa ang bansa para magpalit sa sistemang pederalismo.

"Ang isip ng karamihan namin ay hindi tayo prepared for federalism," sabi ni Pernia.

"Mas mabuti na mag-focus tayo sa regional development, meaning, aayusin natin 'yung mga regions especially 'yung mga naiiwanan," dagdag ng opisyal.

Sa isang survey naman ng Pulse Asia noong nakaraang taon, lumitaw na mayorya sa mga Filipino ang tutol sa pederalismo, at maging sa pag-amyenda sa saligang batas.— FRJ, GMA News