Patay ang isang lalaki sa Barangay Baclaran sa Parañaque City matapos pagbabarilin ng nakamaskarang lalaki.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa “Unang Balita,” nangyari ang pamamaril sa Kalye Bagong Sikat sa harap ng maraming tao dakong alas-singko ng hapon noong nakaraang Lunes.

Biglang dumating umano ang isang lalaking nakasuot ng sombrero, nakamaskara, at may sling bag.

Matapos ang ilang pang sandali, isa pang lalaki na nakasuot ng pulang T-shirt ang dumating.

Susundan siya ng nakasumbrerong lalaki. Nang makalapit na ang salarin, agad na binunot nito ang kaniyang baril sa loob ng sling bag at pinaputukan ang biktimang kinilalang si Ruel Rejuso.

Tatlong beses binaril ng salarin sa iba't ibang bahagi ng katawan si Rejuso, sabay takas ng salarin.

Ayon sa mga nakasaksi, sinubukan pang tumayo ng biktima at lumakad. Isinugod siya sa ospital pero agad din umanong binawian ng buhay.

Ayon sa mga kawani ng barangay na unang rumesponde sa insidente, love triangle ang isa sa nakikita nilang motibo sa pamamaril.

“Sa nakalap naming info, yung lalaki (biktima) at babae ay tatlong araw pa lang nangungupahan dito sa Barangay Baclaran. Yung lalaki ay Kristiyano at babae ay Muslim. So tinitingnan naming anggulo e… kami dito sa barangay ay nangangalap tayo ng impormasyon na kung saan love triangle e,” pahayag ni barangay chairman Jun Zaide.

Natukoy na umano kung sino ang suspek, batay na rin sa impormasyong ibinigay ng isang concerned citizen. Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang suspek. —LBG, GMA News