Inaresto ng mga awtoridad ang isang dentista na wala umanong lisensya sa kanyang clinic sa Las Piñas City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" ng GMA News nitong Huwebes.

Sinalakay ng Las Piñas Police ang Gum Teeth Dental Care Clinic sa Barangay Talon Uno na pagmamay-ari ng target ng operasyon na si Matthew Matira, 34-anyos.

Makikita na kumpleto naman sa mga kagamitan ng mga tunay na dentista ang clinic ni Matira. Pero ang iba raw sa mga pasyente, nagdurugo pa ang mga ngipin at gilagid matapos ang serbisyo nito.

Mismong kinatawan ng Philippine Dental Association ang nagsumbong kay Matira sa mga awtoridad.

Ayon sa hepe ng Las Piñas Police, mayroon ding clinic ang isang Dra. Ragos kung saan sumangguni ang mga pasyenteng galing kay Matira dahil daw may naiwan daw na bahagi ng kanilang pinabunot na ngipin.

“Pagbunot, may mga naiiwan. So siya ang tumatapos doon sa procedure na isinagawa na hindi maayos. So lalo siyang nagduda na ito ba talaga ay dentist,” sabi ni Las Piñas Police Chief Colonel Simnar Semacio Gran.

Inamin naman ng suspek na hindi nga siya lisensyado at isang taon na raw niyang ginagawa ang trabaho.

Lumabas sa imbestigasyon na nakatapos ng dentistry si Matira, pero hindi nakapasa sa board examination.

Hindi kumbinsido si Matira sa mga reklamo laban sa kanya. Ayon sa kanya, kung may mali raw sa operasyon niya, mga pasyente daw sana ang mismong magrereklamo.

Kakasuhan siya ng reklamong paglabag sa Republic Act 9484 o ang Philippine Dental Act.

Hinihikayat naman ng mga awtoridad ang sinumang nais magsampa ng reklamo laban kay Matira na dumulog sa kanilang tanggapan. —Joviland Rita/LBG, GMA News