Nag-alok ng P1 milyong pabuya si Manila Mayor Isko Moreno para madakip ang mga holdaper na sumalakay sa Metrobank sa Binondo nitong Huwebes ng umaga.

Sa ulat ni Isa Avendaño-Umali ng Dobol B sa News TV, sinabi ng mga awtoridad na nasa pito ang suspek na sumalakay sa naturang sangay ng bangko sa Sto. Cristo Street sa Binondo.

 

 

“For now, for whatever it is, I  am offering P1 million para mahuli ang mga suspek na ito,” sabi naman ni Moreno sa Facebook post ni GMA News’ Tina Panganiban-Perez.

Ayon sa pulisya, itinali ng mga salarin ang mga kawani ng bangko at pati na ang mga security guard.

Dalawa umano sa mga suspek ang nakasuot ng security guard uniform.

Sinabi ni Manila Police District (MPD) chief Police Colonel Vicente Danao na pinayagan lang ng mga namamahala ng bangko na makapasok ang mga pulis pagkaraan ng dalawang oras nang dumating sila sa lugar.

Ayon kay Moreno, idinahilan ng namumuno sa branch ng bangko na sinusunod lang nila ang "BSP rule" tungkol sa mga katulad na insidente.

“May nangyaring krimen, bawal ang pulis na mag-imbestiga? Is it logical?” tanong ni Moreno.

Ayon kay Danao, nangyari ang holdapan dakong 8:43 a.m., ilang minuto bago ito magbukas para magpapasok ng kliyente sa ganap na 9 a.m.

Hindi naman inaalis ni Danao ang posibilidad na "inside job" ang nangyari dahil nakapasok ang mga salarin bago magbukas ang bangko.

Alam din umano ng mga suspek kung saan kukunin ang kopya ng CCTV footage sa loob ng bangko.

“We have persons of interest within the bank,” anang opisyal.

Hinikayat naman ni Moreno ang sinuman sa suspek na ituro ang kaniyang mga kasamahan para makuha ang pabuyang P1 milyon.

“Di ba pito kayo? I-chuchu muna yung anim. May isang milyon ka pa,” payo ng alkalde. —FRJ, GMA News