Napasabak sa sigawan si EDSA traffic manager Bong Nebrija nitong Miyerkules nang magalit ang ilang pasahero ng bus matapos nilang parahin ang sasakyan dahil sa hindi pasunod sa batas-trapiko.

Sa video na nakapost sa Facebook, maririnig si Nebrija na ipinapaliwanag sa mga pasahero na ginagawa lang nila ang kanilang trabaho na ipatupad ang batas para maging maayos ang daloy ng trapiko sa EDSA.

Nagagalit umano ang ilang pasahero dahil naantala ang kanilang biyahe sa pagsita sa driver ng bus na kanilang sinakyan.

"'Yan, gan'yan po mga pasahero natin. Sila pa ang nagrereklamo. Ipinatutupad natin ng tama, sila pa ang nagrereklamo!" saad ni Nebrija.

Isang pasahero naman ang madidinig na nangatwiran na galing sa buwis nila ang ipinampapasahod sa mga opisyal at tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

"Ito po sinisigawan pa ako. Siya raw nagbabayad ng tax. Eh ako, nagbabayad din naman ako ng tax, ah," sagot naman ni Nebrija.

Sa video, lumitaw na may iba pang traffic violation na nauna nang nagawa ang driver ng bus.

Sa panayam ng GMA News"Unang Balita" nitong Huwebes, umapela si Nebrija sa mga motorista na sumunod sa batas-trapiko at ginagawa lang ng mga endorser ang kanilang tungkulin.

"Kailangan po naming tugunan 'tong problema sa EDSA at sa pagpapanatili po ng traffic [flow] dito, disiplina po yung kailangan natin," sabi ni Nebrija.

"At sana po kung sisigawan niyo kami ng 'kami ang nagpapasuweldo sa inyo', at dapat po ay masayahan kayo at kami, ginagawa namin ang aming trabaho," dagdag niya. —FRJ, GMA News