Ipinagtanggol ni Taguig City Representative Alan Peter Cayetano ang kaniyang sarili laban sa mga batikos tungkol sa plano niyang habaan ang termino ng mga halal na opisyal kapag isinagawa ang pag-amyenda sa Saligang Batas. Aniya, bahagi iyon ng "much bigger proposal."

Sa kaniyang live Facebook video, nitong Biyernes, binanggit ni Cayetano si Senator Panfilo Lacson na tumawag sa kaniyang planong Charter change na "self-interest."

"Malapit kong kaibigan si Senator Lacson pero maling-maling po yung sinasabi niyang for the self-interest," saad ng kongresista, na inindorso kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging Speaker o lider ng mga kongresista.

"I've been in politics for 27 years. Hindi ko po kailangan ng term extension," patuloy ni Cayetano.

Sa isang Twitter post nitong Huwebes, sinabi ni Lacson na maling panimula ang plano ni Cayetano at iginiit na dapat nitong unahin ang kapakanan ng bansa kaysa sarili.

Paliwanag ni Cayetano, bahagi ng mas malaking plano ang mungkahi niyang habaan ang termino ng mga halal na opisyal, tulad ng mga kongresista at alkalde.

"Ang pinanggalingan mo ng proposal is part of a much bigger proposal which is to make sure that national development is inclusive, is equitable, and is sustainable," ayon sa kongresista.

"Ang problema po kasi sa ibang nagki-criticize, maging sa media man, sa private sector, nasa gobyerno, hindi pa nila nakikita yung buong proposal," patuloy niya.

Sabi pa niya, ang buong plano umano ay "to unlock economic opportunities" sa bansa.

"With or without the four- or five-year term, we can do it. But it is my obligation to give you the best option based on my experience," paliwanag niya.

Sa kasalukuyan, tatlong taon ang termino ng mga kongresista at mga lokal na opisyal, tulad ng mga gobernador at alkalde. Maaari silang tumakbo sa kaparehong posisyon ng tatlong ulit. Samantala, anim na taon naman ang termino ng mga senador, kung saan maaari silang tumakbo sa kaparehong posisyon ng dalawang ulit.

Sa isang pagtitipon kasama ang ilang kongresista, iginiit ni Cayetano na hindi sapat ang tatlong taon para maipatupad ng mga lokal na opisyal ang kanilang plano sa kanilang mga distrito.

READ: Cayetano to senators: Serve for only three years and see if work actually gets done

Pinuna pa niya ang kaibahan ng tagal ng termino nila sa mga senador na anim na taon. --FRJ, GMA News