Isang TV actor-model ang naaresto sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Taguig City nitong Martes ng umaga.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes ng hapon, kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency ang nadakip na suspek na si Aaron Cruz, isang model at TV actor.

Nadakip si Cruz, kasama si Geraldine Vitto, sa Bonifacio Global City, kung saan nakuha umano sa kanila ang 84 na piraso ng party drugs na ecstasy tablet, pitong bote ng liquid ecstasy at walong pakete ng hinihinalang cocaine, na aabot umano sa P1 milyon ang halaga.

Ayon sa PDEA ang dalawa ang nagbabagsak umano ng mga party drugs sa mga bar sa BGC at maging sa Quezon City.

Itinanggi naman ni Cruz ang ibinibintang sa kaniya, habang inamin ni Vito na tatlong buwan na siyang nagbebenta ng party drugs dahil sa pangangailangan.

Nitong Lunes, nadakip ang dating teen actress na si "Angela Zamora," sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite. --FRJ, GMA News
.