Nauwi sa engkuwentro ang gagawin sanang pagsita ng mga awtoridad sa tatlong lalaki na itinimbre ng mga residente na paikot-ikot daw sa isang barangay sa Quezon City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ng awtoridad na dakong 8:00 pm nitong Huwebes nang una silang nakatanggap ng tawag sa Emergency Hotline 911 na may tatlong lalaki na nakitang kahina-hinala ang kilos sa Barangay Nagkaisang Nayon.

Pero nang dumating sa lugar ang mga pulis, wala na doon ang tatlong lalaki. Pero pagkalipas ng dalawang oras, may  natanggap na naman silang tawag tungkol sa mga lalaking pagala-gala sa barangay pero nasa ibang lugar na.

"Around more or less past 10 pm may report ulit na ganun na parang lumipat lang sila ng lugar. Then nag-responde yung ating kapulisan, nung sinisita na nila, nilalapitan nila eh pinutukan yung ating mga kapulisan," ayon kay Police Colonel Enrico Vargas, Deputy District Director for Operations.

Gumanti ng putok ng mga pulis at napatay ang tatlo.

Nakuha sa mga suspek ang ilang gamit tulad ng screw driver, tatlong baril at limang sachet ng hinihinalang shabu.

Posible umanong mga magnanakaw na akyat-bahay ang mga napatay lalo pa't mga insidente na umanong nakawan na nangyari sa nabanggit na barangay at sa barangay San Agustin.

Bukod sa mga tattoo ng sputnik at commando gang, wala pang pagkakakilanlan ang tatlong napatay.-- FRJ, GMA News