Dapat umanong magbakasyon si Pangulong Rodrigo Duterte upang makapagpahinga dahil sobra umano itong magtrabaho, ayon sa kaniyang tagapagsalita nitong Biyernes.

Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo nang tanungin siya ng mga mamamahayag kung ano ang mga kailangang paghusayin pa sa Punong Ehekutibo ngayong nasa ikatlong taon na siya ng anim na taong panunungkulan.

“I think he should not be spending too much time attending to all his activities at the sacrifice of his health. He’s working too hard.  And we told him so. Mr. President bakasyon ka naman at least two weeks. Tambak ang trabaho,” sabi ni Panelo.

Pero paglilinaw ni Panelo, maayos ang pangangatawan ng pangulo at kahit ang mga miyembro umano ng Gabinete ay nahihirapang makasabay sa work ethic nito.

“Wala siyang nararamdaman kundi palaging pagod. He is always moving. Kulang nga ang tulog kasi nga biglang merong morning [schedule]. Di ba night person siya? Tapos gagawing speaker alas otso ng umaga. Talagang mahihirapan siya,” paliwanag niya.

Nauna nang inamin ng 74-anyos na pangulo na mayroon siyang ilang karamdaman at kinukuhanan siya ng dugo para masuri na halos “every other day.”

Sa kabila nito, inihayag ng Malacañang na maayos ang kalusugan ng pangulo at hindi na kailangang maglabas pa ng medical bulletin kahit itinatakda ng Saligang Batas. --FRJ, GMA News