Posibleng madadagdagan na naman ang barya sa bulsa ng Pinoy dahil gagawin na rin umanong coin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang papel na P20 bago matapos ang 2019.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinaliwanag umano ng BSP na gagawin na rin nilang barya ang P20 dahil mas nagtatagal ang coins kaysa sa perang papel.

Ang P20 din umano ang pinakagamit sa lahat ng perang papel sa bansa.

Pero may ibang hindi pabor na gawing barya ang P20 dahil bukod daw sa nakakalito ang mga barya ngayon, mabigat pa sa bulsa.

May nagmungkahi naman na kung itutuloy na gawing barya ang P20, ibahin ang kulay nito kaysa sa ibang barya.-- FRJ, GMA News