Dead on the spot ang tatlong hinihinalang magnanakaw matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa kahabaan ng Biak na Bato sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Ang mga suspek na kinilala sa mga alias na Jeffrey, Nono, at Bert ay mga miyembro umano ng notorious na "Hermosa" robbery group, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Sabado.

Ayon sa mga rumespondeng pulis, nakipaghabulan at nakipagbarilan daw ang mga napaslang.

Kasama rin daw sa engkuwentro ang lider ng grupo na si Nonoy Hermosa, pero nakatakas ito.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) deputy district director for operations Police Colonel Enrico Vargas, isa raw ang Hermosa sa mga grupo na nanghoholdap sa lugar.

Paliwanag ng pulis, nakatanggap raw sila ng intelligence report na magsasagawa raw ng pagnanakaw ang nasabing grupo sa Biak na Bato.

Ikinasa ng District Special Operations Unit ang anti-criminality at surveillance operations kung saan nila naabutan ang riding-in-tandem na nakatambay lang daw sa lugar.

Tatlong kalibre .45 na baril daw ang narekober mula sa mga suspek.

Tumanggi naman muna ang barangay na ibigay sa media ang kuha ng CCTV camera sa lugar.

Sa tingin ni Vargas, posible raw na sinasamantala ng mga kawatan ang abala ng mga pulis para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

"Alam naman natin na pag ganitong busy ang kapulisan sa preparasyon sa SONA, akala nila ay wala nang pulis na nag-iikot. In fact, mas lalo pa nating pinaigting 'yan," sabi ng opisyal.

Inaalam pa raw ang pagkakilanlan ng mga nasawi habang inaalam pa ang kinaroroonan ng kanilang lider. —Margaret Claire Layug/KG, GMA News