Nakilala na at sinibak kaagad sa trabaho ni Manila City Mayor Isko Moreno ang traffic enforcer na nakuhanan sa CCTV na tumanggap umano ng lagay sa sinita niyang rider ng motorsiklo na nag-viral sa social media.

Matapos iharap sa alkalde nitong Lunes ang tauhan ng  Manila Traffic and Parking Bureau  na nakilalang si Ricardo Galit, kaagad na kinumpiska ni Moreno ang ID niya at pinahubad pa ang uniporme.

Bago nito, lumabas ang video nang tumanggap umano ng lagay si Galit sa isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo sa Sta. Cruz, Manila.

Bukod sa parehong walang helmet ang dalawa, may sakay pa silang isang bata.
Ayon kay Moreno, sasampahan din niya ng reklamo si Galit.

Bago nito, kinausap ni Moreno ang mga tauhan ng MTPB at tikuyin at isuko ang kanilang kasamahan na nakuhanan sa CCTV na tumanggap umano ng lagay.

"Bibigyan ko kayo ng isang araw ha. Kapag hindi ninyo itinuro sa akin 'yung nasa video, lahat kayo tatanggalin ko. Kapag hindi kayo nagsumbong ng kapwa ninyo nangongotong, damay damay tayong lahat dahil ang pananahimik ninyo'y pagpayag ninyo," babala ni Moreno. — FRJ, GMA News