Maaring pumasa sa kasalukuyang Kongreso ang panukalang muling pagsasabatas ng death penalty lalo na kung para lamang sa mga malalaking nagbebenta ng ilegal na droga, sabi ni Senate President Vicente Sotto III.

Mayroon daw 13 hanggang 14 senador na boboto para sa death penalty, na muling hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address nitong Lunes.

“"Palagay ko squeaker, pero kaya. Kumbaga, mga 13, 14 kakayanin... Kaya natin, kung high-level drug trafficking lang,” sabi ni Sotto sa isang panayam sa dzMM.

“Ako personally, high-level drug trafficking lang. Pero yung plunder nga naman, siguro tatalab doon. Nag-plunder ka, eh di hindi ka mahirap,” dagdag pa niya.

“Kami dito sa Kongreso, pangit na umayaw kami sa plunder. Dapat isama namin sa death penalty," sabi ni Sotto. —NB, GMA News