Sa Facebook idinaan ng dalawang taga- Cainta, Rizal ang kanilang reklamo sa nabili nilang diumano'y pekeng itlog, ayon sa ulat sa "24 Oras Weekend."

"Pekeng itlog na binili namin ito ha... Tingnan n'yo. Tingnan nyo. Bilog na bilog. Nakahiwalay," sabi ng uploader na si Ritz.

Tingin nila, peke raw ang nabili nilang itlog sa tindahang malapit sa kanila.

Mala-yema ang pula ng itlog, hindi napipisa o nababasag kahit pisil-pisilin.

"Kapag ito ganun pa rin, pakikalat na lang. Oh wala! Ganun pa rin!," sabi ng uploader bago niya iluto ang itlog.

"Pagkaprito ko, natanggal agad yung yellow nyan. O tingnan mo? Peke! Peke!" dagdag niya sa video.

Nang kapanayamin ng GMA News, ito ang sinabi ng uploader: "Para po sa akin, fake po eh. Kasi ngayon lang po ako naka-encounter po ng ganoong itlog na hindi naman po agad nasisira yung yellow tapos bilog na bilog po." 

Fake news?

Sabi naman ng Department of Agriculture at ng Philippine Egg Board, fake news ang kumakalat na may pekeng itlog sa merkado.

"Huwag po tayong mag-alala dahil yan pong balita na yan ay isa lamang pong fake news," paglilinaw ni Engineer Arnel de Mesa, regional executive director DA-Calabarzon.

"Kung sakali man po mayroong ganoon ay pwede po naming ipasuri sa aming mga laboratoryo para malaman kung ano po yung mga composition noong mga sinasabi po na pekeng itlog," dagdag niya.

Sabi rin ng isang commercial farm owner sa Bulacan, kung peke ang itlog na nasa video, hindi raw ito dapat namuti nang lutuin.

Ayon kay Boying Ramos, commercial farm owner, kung pepekein ang isang itlog ay magkakahalaga ito ng nasa P200 kada piraso para sa mga gagamiting kemikal. 'Di hamak na mas mababa naman ang presyo ng isang totoong itlog, dagdag niya.

Natural daw na tumitigas ang egg yolk kung galing ito sa freezer.

Ayon kay Gregorio San Diego Jr, chairman ng Philippine Egg Board, may mga palatandaan ang sariwang itlog.

"Yung fresh egg, matambok yung kanyang yolk. Yung malapit nang masira ang itlog, flat yung yolk. O kaya yung iba, parang basag na yung yolk. — MDM, GMA News