Isang babae ang tinutukan ng balisong ng isang lalaki para kunin ang kaniyang wallet na may lamang pera sa Edsa-Mandaluyong. Isang babae rin ang nakuhanan sa CCTV nang "pitasin" ng snatcher ang kaniyang hikaw na dahilan para masugatan ang kaniyang tenga.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing tanghaling-tapat nang holdapin ang 28-anyos na biktima, na pauwi na sa tinutuluyang condo building sa Barangay Highway Hills.

Wala nang nagawa ang biktima nang tutukan siya ng patalim ng salarin at kunin ang kaniyang wallet na may laman na P10,000.

Walang kuha ng CCTV sa aktuwal na panghoholdap pero nakita sa CCTV sa ibang lugar nang sundan ng suspek ang biktima kaya nakilala siya ng mga awtoridad.

Sa follow-up operation, nasakote ang salarin na si Rex Reyes, alias Dagul, 39-anyos, na residente ng Barangay Ibayo-Tipas sa Taguig.

Ayon sa pulisya, dati nang may kaso ang Reyes tungkol sa droga at ilegal na armas.

Inamin naman ni Reyes ang ginawa at humingi ng patawad sa kaniyang biktima.

Sabi sa ulat, robbery hold-up at snatching ang kadalasang naitatalang insidente ng pulisya sa Edsa. Katunayan, nahuli-cam ang isang insidente nang "pitasin" ng isang lalaki ang hikaw ng isang babae na naglalakad sa gilid ng kalsada.

Nagkasugat pa sa tenga ang biktima dahil sa paghatak ng kawatan sa kaniyang hikaw.

Pinaghahanap na ngayon ang suspek.

Kamakailan lang, walong suspek ang nadakip ng Mandaluyong police na itinuturo nilang nasa likod ng mga robbery incidents sa Edsa.

Hiling ng mga awtoridad, ituloy ng mga biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek para hindi malaya at hindi makaulit sa kanilang masamang gawain.--FRJ, GMA News