Sakit sa ulo at hilo ang inabot ng isang lola sa Muntinlupa matapos siyang makainom ng food supplement na may naptalina o moth balls, ayon sa ulat ng Stand for Truth ng GMA Public Affairs nitong Lunes.

Kuwento ng 76-anyos na si Remedios Gimena, napilitan siyang uminom ng food supplement dahil sa iba't ibang karamdaman.

Nalaman daw niya na may naptalina ang kanyang food supplement nang alugin niya ito dahil nagduda na siya sa amoy at lasa nito.

"Sabi ko parang naptalina, tapos kinalog ko mayroong kumalansing. Ang ginawa ko binuhos ko sa baso. Nakita ko yung naptalina, tatlo," aniya.

Nang magpatingin sa doktor si Lola Remedios, nakumpirma na may naptalina nga ang kanyang nainom.

Inaresto ng pulis ang kasambahay ni Lola Remedios na si Garnet Gallardo, na siya raw naglagay ng naptalina sa food supplement ng matanda bagama't itinanggi niya ito.

"Di po ako mamamatay tao. Kahit itanong niyo po doon sa kapit bahay ko sa Navotas. Wala po akong sinaktan kahit sino. May takot po ako sa Diyos," ani Gallardo, na nakilala ni Lola Remedious sa isang Facebook group.

Ayon kay Gallardo, na-"frame-up" lang siya. —KBK, GMA News