Hinahangaan ngayon ang isang cleaner ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos niyang ibalik sa isang Turkish citizen ang natagpuang bag na may lamang 7,300 euros o aabot sa P430,000 ang halaga.

Sa Facebook post ng Manila International Airport Authority (MIAA), kinilala ang tapat na airport cleaner na si Sixto O. Brillante, Jr. ng Manila Allied Management Service Cooperative.

Nangyari ang insidente noong Agosto 10, kung saan nagma-mop si Brillante nang tawagin siya ng isang pasahero dahil may natagpuan itong itim na sling bag na posibleng naiwan ng isa pang pasahero.

Agad namang tinawag ni Brillante ang kaniyang partner para hanapin ang may-ari sa pamamagitan ng paging system. Hanggang sa nai-tun over ang bag sa Lost and Found Section ng Intelligence and Investigation Division ng MIAA.

Bukod sa perang 7,300 euros, naglalaman din ang bag ng wallet at ipad.

Matapos ang isa at kalahating oras, lumapit ang isang Turkish national na nagpakilalang siya ang may-ari ng bag. At nang suriin, napatunayang siya talaga ang nagmamay-ari ng nawala niyang bag. —NB, GMA News