Humingi ng paumanhin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa babaeng walang mga binti na hindi pinayagan ng guwardya na makapasok sa kanilang tanggapan sa Calbayog City noong nakaraang linggo dahil naka-shorts lang siya.

Nag-viral nitong nakaraang linggo ang social media post, ni Nancy Torrelino Boroc, kung saan ikinuwento niya ang kaniyang karanasan sa naturang tanggapan ng BIR.

Saad niya, pinagbawalan daw siya ng guwardya na pumasok sa tanggapan dahil sa kautusan na hindi papapasukin ang mga taong naka-shorts lang.

Hindi raw ikinunsidera ng naturang guwardya ang kaniyang kalagayan. Gayunman, bumalik muli si Boroc kinalaunan at pinayagan na siyang makapasok kahit naka-shorts lang.

READ: Post ng babaeng walang mga binti na 'di raw agad pinapasok ng sekyu sa BIR-Calbayog dahil naka-shorts, viral

"The Bureau of Internal Revenue had profoundly expressed its apologies towards Ms. Boroc for the inconvenience it has brought her and will be more sensitive to the rights of PWDs," saad ng BIR sa isang pahayag.

Paliwanag pa nila, ang naturang kautusan tungkol sa "dress code" ay para sa mga kawani ng BIR sa naturang district office at hindi para sa mga kliyente.

"On the other hand, Revenue District Officer Vicente J. Tady of BIR Calbayog asserted that Ms. Boroc was not denied entry, but her companion who was wearing shorts and slippers," ayon sa BIR.

Gayunman, sinabi ng BIR na humingi na ng paumanhin ang kanilang district officer kay Boroc sa pamamagitan ng TV program ng broadcaster na si Raffy Tulfo noong Biyernes.

Sinabi pa ng BIR na inalis na nila ang security guard na nasangkot sa kontrobersiya at inalis na ang paalala tungkol sa dress code.

Nakipag-usap din umano ang kanilang district officer sa Calbayog City kay Chairman Ceasar Delos Santos ng Office on PWD Affairs noong Agosto 7, para ipaliwanag ang nangyari at humingi ng paumanhin.

"Further, grievances and allegations coursed through the different complaint channels particular to this issue were already answered and clarified in a formal letter-reply addressed directly to the concerned complainant," saad sa kanilang pahayag. — FRJ, GMA News