Nasagip ang isang Tsinong dinukot umano ng isang sindikatong grupo dahil sa 'di nabayarang utang na naipatalo niya sa isang casino sa Pasay.

Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, ika-29 ng Hulyo pa dinukot ng mga kapwa-Tsino ang biktimang si Xiaoguo Bian dahil hindi makapagbayad ng inutang na P1.5 milyon at P500,000 na interes sa casino financier na kinilalang si Ah Hua.

Una umano siyang itinago sa kwarto ng isang casino at kalaunan ay inilipat sa isang safehouse.

Kinunan din siya ng video habang pinapahirapan ng mga suspek at ipinadala sa ama niyang nasa China.

Dinala pa ng 'di bababa sa anim na suspek si Xiaoguo sa Pasay City Police Station noong ika-11 ng Agosto para makunan ng video habang nakakulong at palabasing lehitimo talaga ang pagkakautang ng biktima.

"Para maalarma 'yung father... pinapalabas nila pinakulong na nila sa police station," ayon kay P/Lt. Col. Elmer Cereno, PIO chief ng Philippine National Police.

Pero wala pa raw limang minuto ay binawi rin umano ng mga suspek ang asunto at ibinalik na naman sa safehouse ang biktima.

Makalipas ang apat na araw, nakatanggap ng tip ang pulisya na dadalhin ng isang empleyado ng casino ang biktima sa presinto.

Matapos maiturn-over ni Philippine Chamber of Commerce and Industry Vice Chairman Huan Jin Pai ang biktima sa pulisya, nagkasa na ng operasyon ang mga awtoridad para madakip ang mga suspek.

Timbog sa isang condominium sa Pasay ang isa sa mga umano'y kidnapper na kinilalang si Xu Libo. Mahaharap siya sa kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention.

Tinutugis pa rin ng pulisya ang lima niyang kasabwat kabilang si Ah Hua. —Dona Magsino/LDF, GMA News