Nakita na ang tatlo sa apat na batang lalaki ng Barangay Krus na Ligas sa Quezon City na iniulat na nawawala mula pa noong nakaraang buwan. Ang mga bata, minolestiya umano ng lalaking "umampon" sa kanila, pero itinanggi ito ng suspek.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA news "Saksi" nitong Martes, sinabing dakong 10:30 p.m. nang inihatid daw ang mga bata na pawang edad 12 ng isang lalaking nagngangalang Michael Patrick Gulapa.

Kuwento umano ng mga bata, nakilala nila ang lalaki sa East Avenue at niyaya silang uminom. Pero nang malasing sila, dinala raw sila sa bahay nito sa San Fernando, Pampanga kung saan higit isang buwang umano silang ikinulong, inabuso at ginahasa.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang at sinabing kinupkop niya ang mga bata dahil nagpakilala raw ang mga ito na ulila na.

Paliwanag pa niya, pinapayagan niyang mag-computer ang mga bata at makalalabas ng bahay kaya puwede silang humingi ng tulong kung totoong inabuso niya ang mga ito.

Bagaman masaya ang ina ng isa sa mga bata na ligtas na nakauwi ang kaniyang anak, nais niyang mapanagot ang suspek sa ginawang pang-aabuso umano nito sa mga bata.

Mahaharap ang suspek sa reklamong sexual assault, ayon sa awtoridad.

Patuloy naman ang paghahanap sa isa pang bata na nawawala.-- FRJ, GMA News