Sa panahon ngayon na nagkakagipitan na sa mga paradahan, may isang solusyon na puwede umanong gamitin —ang automated o smart parking systems.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang iba't ibang disenyo ng automated parking systems na nagkakahalaga ng mula P200,000 hanggang P1 milyon depende sa dami ng sasakyan na ilalagay.

Ang isang disenyo, parang ferris wheel na iikot ang puwestong paglalagyan ng mga sasakyan. Mayroon ding basic multi level parking na pang-dalawang palapag ang disenyo na puwedeng paglagyan ng sasakyan.

"Ima-maximize mo yung number of parking slots. So for example kung meron kang isang parking area, puwede mo itong gawing dalawa, o tatlo or more," sabi ni Gilbert Pinuela, sales manager, Emicor Inc.

Mayroon ding disenyo na mala-puzzle system na ginagamit na umano na sa ilang malalaking ospital sa Metro Manila.

Sa lungsod naman ng San Juan, iniimbentaryo ngayon ang lahat ng mga bakanteng lote, pribado man o pampubliko na puwedeng gamiting parking area.

Sa barangay Sta. Lucia na masisikip umano ang mga kalsada, may isang bakanteng lote na nakikitang puwedeng gamiting parking area.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, ang mga pribadong bakanteng lote na gagamiting parking area ay puwede umanong mabigyan ng mga tax break o discount sa buwis upang mapakinabangan kaysa nakatiwangwang lang. --FRJ, GMA News