Inihayag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi kalipikado ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez na makinabang sa kontrobersiyal na Republic Act No. 10592 para maagang makalaya. Si Panelo ay naging abogado ni Sanchez noong nililitis ang huli sa kasong panggagahasa at pagpatay.

Ginawa ni Panelo ang pahayag nitong Biyernes matapos umanong suriin ang nilalaman ng RA 10597 na nagpalawig sa pagkakaloob ng good conduct time allowance (GCTA) ng mga preso upang mabawasan ang araw ng kanilang sintensiya.

Nahatulang guilty sa kasong  si Sanchez sa paghalay at pagpatay kay Eileen Sarmenta, at pagpatay sa kaibigan nito na si Allan Gomez noong 1993.

“A review of Republic Act No. 10592 or the law on Good Conduct Time Allowance (GCTA), which amends the Revised Penal Code on the computation of the duration of imprisonment based on an offender’s good conduct, reveals that it is categorical in excluding recidivists, habitual delinquents, escapees and persons charged with heinous crimes from the benefit of its coverage. This is the letter and the spirit of the law,” sabi ni Panelo.

“Thus, the inevitable conclusion is that all those convicted of a heinous crime, including Mr. Antonio Sanchez, would be ineligible and disqualified from availing the benefits of the GCTA,” dagdag niya.

Ayon kay Panelo, suporta ng Palasyo ang direktiba ni Justice Secretary Menardo Guevarra na masusing kuwentahin ang GCTAs ng mga bilanggo na sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Sabi ni Guevarra, posibleng hindi makinabang si Sanchez sa naturang batas dahil sa bigat ng kinasangkutan nitong krimen.

Una rito, inihayag ni Bureau of Corrections chief Nicanor Faeldon na hindi pa nila nasusuri ang record ni Sanchez pero nakita nila na maaaring hindi siya kaagad makalaya dahil sa “not good behaviors.”

Habang nakapiit kasi sa Bilibid, nakasuhan pa si Sanchez kaugnay sa pag-iingat umano ng iligal na droga sa piitan.

Nagsasagawa na umano ng recomputing ng GCTAs ng nasa 11,000 bilanggo ang BuCor dahil sa naturang batas na naipasa noong 2013. Mas lumawak ang bisa ng batas dahil sa desisyon ng Korte Suprema na dapat na makinabang din ang mga nabilanggo kahit bago pa man magkabisa ang batas.

Sinabi ni Panelo na suportado rin ng Palasyo na muling repasuhin ng mga mambabatas ang naturang batas.

“We assure that responsible officials will attend the same and assist them as they endeavor to craft better penal laws that are not only fair but are also morally sound,” sabi ni Panelo. —FRJ, GMA News