Ikinagulat ng mga pasahero ng MRT3 ang biglang pagbuhos ng tubig ulan sa loob ng isang bagon nitong Sabado ng umaga, kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Habagat na pinaigting ng bagyong Ineng.

Sa ulat ng "24-Oras" ni Dano Tincungco, sinabing nakunan ng video ang pag-ulan sa loob ng bagon, na kagaya rin ng nangyari noong 2018 sa loob din ng isang bagon ng MRT train, kung kailan napilitang magpayong mga pasahero.

Nangyari ang malakas ng buhos ng tubig-ulan sa loob ng isang southbound train dakong alas-dies ng umaga nitong Sabado, ayon sa nakakuha ng video na si Cathy Rose Garcia.

Pagdating sa Ayala Station, ipinagbigay-alam ng mga pasahero sa guwardiya ang nangyari. Hindi naman daw pinababa ang mga pasahero.

Pahayag ng MRT management, ipapahanap nila ang tren na may bagon na tumutulo. —LBG, GMA News