Natagpuan ng isang tindera ng gulay ang bangkay ng isang lalaki na may malaking sugat sa leeg sa may paaralan sa Quezon City.

Sa ulat ni Julie Ann Mae Cabrera sa Super Radyo dzBB nitong Lunes ng madaling-araw, natagpuan ang bangkay sa may Gate 2 ng Bagong Silangan High School.

Kinilala ni Police Colonel Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station ang biktima na si Roel Pugar.

Ayon sa tindera ng gulay, dakong 8:30 ng gabi nitong Linggo nang makita niya ang isang lalaking nakahandusay at duguan sa may gate ng paaralan.

Agad namang ipinaalam ng tindera sa mga pulis ang insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, maaaring tinaga umano ang bikitma dahil sa malaki at malalim sa sugat sa kanyang leeg.

May mga bote pa umano ng alak sa crime scene at posible umanong makipag-inuman ang biktima nang ito'y patayin. 

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaslang. —LBG, GMA News