Limang baboy at isang ulo ng baboy ang natagpuan sa isang ilog sa Sitio Veterans, Barangay Silangan, QC.

Ayon sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa “24 Oras”, tumaas daw ang tubig sa ilog dahil sa pag-uulan nitong mga nakaraang araw.

Nang bumaba ang tubig, tumambad ang mga patay na baboy. Meron pang dalawang katawan ng aso.

Dahil sa banta ng african swine flu, dumating ang  mga kawani ng Bureau of Animal Industry para kumuha ng sample ng lamang loob ng mga patay na baboy.

Pinagbawalan ng BAI na makunan ng media ang kanilang gagawin pero pinaliwanag nilang kukuha sila ng sample para malaman kung ano ang ikinamatay ng mga baboy.

Ayon sa Barangay Bagong Silangan, may 100 backyard piggery owners sa lugar.

Pero puwede rin daw inanod lang ng ilog ang mga baboy mula sa ibang lugar.

Nasabihan na ang mga may-ari ng mga babuyan sa QC na hanggang Pebrero na lang sila maaring mag-alaga ng baboy sa lungsod.

Barangay na ang magpapalibing sa mga patay na hayop.