Sapak ang inabot ng isang Grab driver nang tumangging magsakay ng limang pasahero, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes.

Sa isang video na nag-viral, makikita ang sagutan sa pagitan ng Grab driver na si Ed Tugade at isang lalaking nakaputi na si Jan Jervi Mercado.

Ipinaliliwanag ni Tugade na apat lang ang pwede niyang isakay alinsunod sa polisiya ng Grab. Sagot ni Mercado na dinuduro at sinisigawan pa ang driver, bata lang naman ang panlimang pasahero.

Bukod sa sapak, sinabi ni Tugade na tinadyakan din daw ni Mercado ang kanyang sasakyan na may yupi na sa isang bahagi nito na makikita sa video.

Sinabunutan din daw siya ng nobya ni Mercado.

Dahil sa insidente, dinakip ng mga pulis si Mercado at ang kasintahan.

Depensa ni Mercado, tinulak, dinuro at minura raw sila ni Tugade pero hindi lang nakunan ng video.

Ipinaalala naman ng Grab Philippines na apat lang talaga ang puwedeng isakay sa kanilang Grab car service. Ang mga bata raw, anumang edad, ay itinuturing nang isang pasahero. —Joviland Rita/LBG, GMA News