Mahigit doble ang itinaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa mula Enero hanggang Agosto nitong taon kumpara sa kaparehong panahong noong 2018.

Sa ulat ng GMA News, 10 rehiyon sa bansa, lagpas na umano sa epidemic threshold ang bilang ng mga kaso.

Sa datos ng Department of Health, mula Enero hanggang Agosto, lomobo na sa mahigit 240,000 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa ngayong taon.

Mahigit doble o 109 porsyento ang itinaas kumpara nung nakaraang taon na nasa 120,000 cases lamang.

Nito lamang umanong August 18 hanggang 24, mahigit 13,000 agad ang mga bagong kaso,  o 60 porsyento na mas mataas sa parehong panahon noong 2018.

Dadagdag ng DOH, 10 rehiyon sa bansa ang lagpas na sa epidemic threshold, ang mga ito ay ang Calabarzon, Mimaropa, regions 5, 6, 8, 9, 10, 12, BARMM, at National Capital Region.

"Marami pa ring cases sa week na ito. Sa iba still within epidemic threshold pero di na tumaas. So it's still a national epidemic," pahayag ni DOH spokesman Undersecretary Eric Domingo.

“Sa Pilipinas, unfortunately, in season talaga siya kapag June hanggang December. So ‘di pwede magpahinga. On guard pa rin tayo,” dagdag niya.

Pero, ayon sa DOH, sa kabila ng maraming kaso ng dengue sa kasalukuyan, kung meron mang magandang balita kahit papaano, ang strain na pinakalaganap ngayong taon, mahina lang daw at hindi raw ang tipong sanhi ng pagdurugo.

“Fortunately, Type 3 dengue kahit nagka-epidemic siya, ‘di naman as fatal. Ang Type 3 is mas mababa kesa sa Types 1 and 2. That means that if you have 250,000 cases, you got more than 1,000 deaths all over the country already,” pahayag ni Domingo.

Pakiusap ng doh sa mga lokal na pamahalaan, pag-ibayuhin pa ang mga hakbang para kontrahin ang dengue sa kanilang lugar.  —LBG, GMA News