Patay ang isang senior citizen matapos mahagip ng tren ng Philippine National Railway sa Makati City, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes.

Nadala pa sa ospital ang biktima kung saan ito pumanaw.

Galing Tutuban ang tren at patungo sanang Alabang nang mahagip ang biktima sa Buendia crossing Huwebes ng umaga.

Ayon sa driver ng tren, papatawid ang biktima sa riles at tila hindi niya pansin ang paparating na tren.

Bahagya namang nagkaproblema sa trapiko sa lugar matapos maantala ang pag-alis ng tren dahil sa "low air pressure."

Bandang 11:53 a.m. na nang maibalik sa normal ang operasyon ng PNR.

Ayon kay PNR Spokesperson Joseline Geronimo, handa silang tumulong sa pamilya ng biktima. —KBK, GMA News