Naniniwala si Senador Grace Poe na dapat nang palitan sa puwesto bilang kalihim ng Department of Transportation si Arthur Tugade dahil sa 'di umano malutas-lutas na problema sa trapiko. Hirit naman ng huli, masyadong bilib sa sarili ang mambabatas.

“When it comes to traffic and when it comes to dealing with solution for the traffic mess, I think somebody else should take his place,” sabi ni Poe sa panayam ng ANC nitong Huwebes.

Inihalintulad ni Poe si Tugade kay dating Department of Transportation and Communications (DOTC) secretary Emilio Jun Abaya, na umano'y dahilan ng "pagbagsak" ni dating Pangulong Benigno Aquino III bunga ng kabiguan din na maghatid ng mahusay na serbisyo sa transportasyon.

“Former president clung too much to Secretary Abaya, when in fact, I think, Secretary Abaya is one the reasons that caused his downfall and failure in delivering a lot of what needed to be delivered in the DOTC at that time. Are we having a repeat?” sabi ni Poe, na pinuno ng Senate public services committee.

Dagdag ng senadora, dapat suriin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kakayanan ni Tugade sa pagtupad nito sa tungkulin kahit pa pinagkakatiwalaan niya ito.

“If you don’t change leadership fast enough for a particular department, then you lose precious time,” saad ni Poe.

“He did not perform and I'm sorry to say. I’m not here to make people look bad. I'm here to present the truth and find the solution,” dagdag pa niya patungkol kay Tugade.

Sabi ni Poe, wala sanang problema ngayon sa trapiko kung nagawa lang umano ni Tugade ang trabaho nito na maghatid ng epektibong transportation system sa bansa.

Kahit umano sa pagdinig ng Senado, wala raw naipresinta ang DOTr na plano kung papaano lulutasin ang problema sa trapiko.

“That’s all I’ve been asking for, a traffic plan and a transportation plan which they did not submit,” giit ng senadora.

Mungkahi pa ni Poe, kung pananatilihin ni Duterte si Tugade sa puwesto, dapat silang kumuha ng "traffic expert" para matulugan sila.

"Masyadong bilib sa sarili"

Bilang tugon sa banat sa kaniya ni Poe na dapat na siyang palitan sa puwesto, sinabi ni Tugade na, " I only serves at the pleasure of the president."

Tinawag din niyang "masyadong bilib sa sarili" si Poe para pakialaman ang kaniyang posisyon.

Ipinagtanggol naman ng DOTr si Tugade, at sinabing hindi bahagi ng mandato ng kanilang ahensiya ang pamamahala sa trapiko.

Sa post sa Facebook, pinabulaanan din ng DOTr na walang ginagawa si Tugade. Binigyan-diin nila ang 64 airport projects, 220 commercial at social/tourism port projects, at ongoing construction ng two railways, na naganap sa ilalim ng pamamahala ng kalihim.

"Madam Senator, hindi 'ho ugali ni Secretary Tugade ang matulog sa pansitan. Kaya nga 'ho nagpapatupad ang Kagawaran ng 24/7 construction at nagpapairal ng partial operability timelines dahil mismo sa kagustuhan niyang makapaghatid agad ng serbisyo-publiko sa transportasyon sa mga Pilipino," ayon sa post.

Nag-ugat ang bangayan ng dalawa nang iginiit ni Tugade na hindi dapat harangin ni Poe ang pagkakaloob ng emergency power kay Duterte upang resolbahin ang problema sa trapiko.

Pero naniniwala si Poe na hindi na kailangan ang emergency power para lutasin ang naturang problema, at wala raw maipakitang plano ang ahensiya kung saan at papaano gagamitin ang hinihinging emergency power.—FRJ, GMA News