Sa layuning mapababa ang presyo ng bigas, inihayag ni Agriculture Secretary William Dar nitong Huwebes na maglalabas ng milyung-milyong sako ng bigas sa merkado ang National Food Authority.

Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Dar na ipakakalat sa merkado ang 3.6 milyong bags ng murang imported NFA rice simula ngayon at tatagal hanggang sa Oktubre 10. Magkakahalaga umano ito ng P25 per kilo sa wholesale, at P27 per kilo naman sa retail price.

“The 3.6 million bags of imported rice will be out in the markets and this will be done for one month starting today,” pahayag ng kalihim. "We would like to believe that flooding the market with 3.6 million bags of rice will have a further impact.”

Inaasahan ng NFA na sa pamamagitan ng naturang plano ay bababa ang kasalukuyang presyo ng commercial rice na naglalaro sa P40 per kilo.

“The reasonable price of rice in the markets should fall within P32 to P34 per kilogram, but if you look at the markets now, ang pinakamababa is P40,” ayon kay NFA Administrator Judy Carol Dansal.

“Ang nakikita namin that would be good news if the price of rice in the market would be P32 to P34. Mag-equal man lang sa P32 to P34 is already a reasonable price for the consuming market,” dagdag niya.

Dati nang pinupuna ang patuloy na mataas na presyo ng bigas kahit naipatupad na ang Rice Tarriffication Law, na nagpapahintulot sa mga may permisong negosyante na mag-angkat. Inasahan noon na makatutulong ang naturang batas na mapababa ang presyo ng bigas kapag dumami na sa merkado ang imported rice.

Inaasahan ng NFA, na kikita ang kanilang ahensiya ng P4.86 bilyon sa pagbebenta ng 3.6 milyong sako ng bigas. Gagamitin naman ang naturang pondo para bilhin ang palay ng mga lokal na magsasaka.

Ipinaliwanag ni Dansal na walang kikitain ang gobyerno sa gagawing pagbebenta ng mga imported rice.

“Sa pag-release namin sa aming retailers, may kaunting lugi. Hindi naman kita ‘yun ‘cause P25 is our release price to our retailers and their release price is P27,” paliwanag niya sa presyong P24 per kilo ang kanilang kuha sa bigas.

Kamakailan lang, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kinauukulang ahensiya na bilhin ang palay ng mga magsasaka kasunod ng mga ulat na bumagsak na sa P7 hanggang P10 ang presyo ng palas dahil sa pagdagsa ng imported rice.

Utos pa ng pangulo, bilhin ang palay ng mga magsasaka sa nararapat nitong halaga kahit pa malugi ang pamahalaan.—FRJ, GMA News