Sa kulungan namatay ang guwardiyang naaresto kamakailan sa Cavite dahil sa pagka-cara y cruz.

Ayon sa ulat ni JP Soriano sa "24 Oras", hinala ng mga kaanak ng biktimang si Niño Abacial na ito'y binugbog sa loob ng selda. Itinanggi naman ito ng mga pulis.

Nasawi si Abacial habang nakakulong sa custodial facility ng Dasmariñas Component Police Station.

Ayon sa pulisya, nakita na lang na wala nang buhay ang biktima sa loob ng kulungan.

Pero dinala pa rin siya sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Hinala ng kanyang pamilya, sinaktan ang biktima sa loob ng kulungan dahil traumatic head injury ang sanhi ng kanyang pagkamatay, base sa kanyang death certificate.

"'Yung kapatid ko, bugbog-sarado na sa loob... Pasa na sir, may pasa na sa mukha. Tinanong ko kung sino gumawa, hindi siya makapagsalita, umiyak na lang siya," sabi ni Birth Abacial, kapatid ng biktima.

August 30 daw inaresto si Abacial kabilang ang dalawang iba pa matapos silang maaktuhang nagka-cara y cruz.

"Nagmamakaawa siya na gusto niyang lumabas, humawak siyang mahigpit sa braso ko," sabi ni Birth.

Hindi na natapos ng pamilya niya ang pag-aayos sa kanyang paglaya dahil binawian siya ng buhay nitong September 2.

Ayon naman sa live-in partner ng biktima, hindi sila sinabihan na patay na ang guwardiya habang inaayos nila ang papeles sa paglaya nito.

Napansin din daw niyang may pasa malapit sa mata si Abacial nang bisitahin niya ito.

"Saturday pa lang nung dinalaw ko, wala pa yun. Pagdating ng Sunday, meron nang tama sa mata at sugat sa tuhod,” sabi ni Teresita.

Pinabulaanan ng Dasmariñas City Police na may nangyaring foul play sa pagkamatay ni Abacial.

Hindi rin daw August 30 kundi August 31 siya naaresto.

At base sa isang police blotter, napaaway raw ang guwardiya bago pa ito naaresto at nakulong.

"Nagpa-blotter itong si Niño at sinasabi niya na nabugbog siya ng mga hindi niya nakilalang kalalakihan at sinasabi niya doon na nagtamo siya ng tama sa mukha... may mga gasgas at galos sa kanyang balikat," sabi ni Police Lieutenant Colonel Nerwin Ricohermoso, hepe ng Dasmariñas police.

Ito raw ang posibleng sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang opisyal ng naturang police station sa pamilya ng biktima. —NB, GMA News