Patay ang isang lalaki nitong Linggo ng umaga matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Dobol B sa News TV na inere ng GMA News TV.

 

 

Nkikilala ang suspek na si Edgardo Alfonso. 

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Barangay San Roque sa Cubao.

Nakipag-transaksiyon ang poseur buyer sa biktima sa isang gasolinahan sa P. Tuazon Avenue para makabili ng isang kilo ng shabu na nagkakahalagang P1.5 milyon.

Nakatunog daw ang suspek na pulis ang katransaksiyon kaya't nagpaputok ito ng baril.

Gumanti naman ng putok ng baril ang mga pulis ng National Capital Region Police Office - Drug Enforcement Unit.

Naghabulan pa ang suspek at mga pulis mula sa P. Tuazon hanggang sa kanto ng Del Pilar Street at 18th Avenue kung saan napatay ang suspek.

Nakuha mula sa suspek ang halos apat na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P27.2 million.

 

 

Narekober din mula sa suspek ang .45 kalibreng baril, mga bala, mga ID card at P1.5 million boodle money.

Ayon kay NCRPO chief Police Major General Guillermo Eleazar, ang suspek ay posibleng galamay ng isang drug lord na nakakulong ngayon sa New Bilibid Prison.

 

 

Naroon na rin sa pinangyarihan ng engkuwentro ang mga Scene of the Crime Operatives at tauhan ng Criminal Investigation Detection Group para sa imbestigasyon. 

 

 

Samantala, nagsasagawa na ng follow-up operation ang NCRPO para matukoy ang mga kasabwat ng suspek. —KG, GMA News