Pagtila ng malakas na pag-ulan maaga nitong Huwebes, pinangunahan ni Mayor Isko Moreno ang clearing operation sa Moriones, Tondo.

Pinuntirya ng operation ang Center Island ng Moriones Street na ginawa pa umanong lagayan ng mga manok panabong, ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali.

Sa ulat ng ng "Dobol B" ng Super Radyo dzBB, hindi nagpakita kay Mayor Isko ang barangay captain ng lugar.

Pahayag ni Mayor, magkikita na lamang umano sila sa korte kung ayaw siyang harapin ng chairman.

Ngunit patuloy pa rin ang paggiba sa mga railing na itinayo sa center island ng kalsada. —LBG, GMA News