Nag-viral sa social media ang litrato ng isang estudyanteng nagtitinda ng balut sa gabi para may maipantustos sa kanyang pag-aaral, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes.

Sa kuha na litrato, makikitang antok na antok na ang Grade 7 na estudyanteng si Jeramil Dela Cruz na yakap pa ang panindang balut sa dis-oras na ng gabi.

Bukod sa pantustos sa kanyang pag-aaral sa Malanday National High School sa Marikina, kinailangan nang magbanat ng buto ni Jeramil para rin sa pambili ng gatas ng kanyang kapatid.

Noong limang taong gulang pa lang si Jeramil, namatay ang kanyang  ina dahil sa colon cancer.

Sa pagtitinda ng balut, kumikita siya ng hanggang P700 kada gabi. Kahit abala sa pagtitinda, hindi naman daw niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral.

"Sa mga bata pong katulad ko, sana po tumulong din po sila. Hindi po 'yung palaboy-laboy lang po diyan….Gusto ko lang po makatulong po sa magulang ko,” sabi niya.

“Wala po 'yung swerte po, sa isang bata po 'yun na gustong magtrabaho po,” dagdag niya. —Joviland Rita/LBG, GMA News